Swerte Part 2
Wag ka maniwala na hindi totoo ang swerte.
Napanood ko yung gold performance ni Yulo sa artistic gymnastics (Men's floor) kagabi. Grabe. Pati mga balahibo ko sa kili-kili nag-standing ovation.
Maluha-luha pa nga ako nung tinugtog yung lupang hinirang.
Ang sarap sarap siguro ng pakiramdam nya nung nakatayo sya sa tuktok ng podium ano?
Kase sigurado ako pinaghirapan nya yun. Sigurado ako ang daming sakripisyo ang binigay nya bago sya makarating dun. At kung iisipin mo, lahat ng sakripisyong yun sugal lang kase wala namang kasiguraduhan kung mapapalitan yun ng ginto.
Pero kagabi, tagumpay.
At sa parteng yun, wala masyadong kinalaman ang swerte.
Pero kanina? Napanuod ko yung lumang video ng Rappler na sya ang featured-- 12 year old na Carlos Yulo.
Dun ko nakita na swerte din talaga sya.
Namangha ako lalo sakanya kase na-realize ko na ang haba-haba na pala nung tinahak nya. Isipin mo nagsimula sya mag-training 7 years old pa lang? Eh nung 7 ako, naglalaro lang ata ako ng beyblade at lumalantak ng fried chicken.
Mahahalata mong dugo't pawis ang binigay nya para lang sa isang bagay na higit isang dekada bago nya makuha.
Kaso karamihan naman sa mga atleta ay ganung edad nagsisimula. Pero 'di lahat nakakakuha ng ginto.
Posibleng isa 'tong si Yulo sa mga outliers na talagang kayang umangat sa iba. But being an outlier isn't the key. Hindi yun swerte lang na ang galing galing nya. Alam nating lahat na hinuhulma pa din ang ganung talento-- Hinuhulma ng pagsisikap at pangarap.
Uulitin ko. Pangarap.
Dito sa tingin ko sinwerte si Yulo. Sa murang edad nyang yun, nakita na nya yung gusto nya maabot.
Alam na nya kung san nya gustong pumunta.
Napakalaking bagay nun.
Kase hindi lahat sinuswerteng malaman yun nang ganun kaaga.
Marami ngang mga tao na buong buhay ang ginugol bago mahanap yung gusto nila. Meron ding napagod na maghanap. At yung iba talagang hindi na nila nakita.
Di ko alam kung nasan ka dyan ngayon.
Ang alam ko lang, hindi naman purong swerte ang puhunan para mahanap mo kung anong gusto mo. Kayang maimpluwensyahan yung swerte kung susubok ka ng maraming mga bagay. Kung talagang susuot ka sa kasuluk-sulukan para lang mahuli mo yung kiliti na hahanap-hanapin mo. Kiliti na handa kang magsumikap para lang makuha.
Matatawag kong swerte yung mga taong nahanap na yun. Lalo na kung nahanap nya yun nang maaga.
Kaya kung isa ka sa kanila? Swerte ka. Hindi lahat nakikita yan.
Wag mo sayangin.
P.S. Dun sa bidyo, SEA Games pa lang ang pinapangarap ni totoy Yulo. Pero sabi nga nila, dapat lumalago din ang pangarap mo kasabay ng paglago mo.
Kaya kung alam mo na ang sayo at nakuha mo na, ayos.
Pero pwedeng di pa dun nagtatapos.